Sa araw na ito, susubukan kong magsulat sa aking sariling wika; ang wika ng aking bansa. Baka sa susunod Bisaya naman ang gagamitin ko. Wag ka nalang magtangkang basahin ito at sasakit lang siguro ang ulo mo...alam ko na ang akin ay nagsisimula na. ;P
Ano ang dahilan at naisip kong gawin ito? Sa pagdayo ko sa bansang ito, dito lang ako napaisip: Gaano ba talaga ako ka-Pilipino? Sa paaralan ko ngayon sinasabihan ako ng aking mga klasmeyt na taga Estados Unidos na sobrang Amerikano ang aking pananalita pati na ang mga kwento ko tungkol sa aking mga pinagdaanan sa aking paaralan noon, Silliman. Complemento man ito sa iba, sa aking hindi. Mukhang hinding-hindi ko maatim na mapagsabihan ako ng ganun kasi ako ay Pilipino na may sariling pagkatao pagkatapos sabihan lang nila ako na ang aking mga gawi ay para lang dayuhan..?
Pero di ko naman masisisi na ganoon ang kanilang masabi kasi di hamak na totoo naman. Tulad ngayon, sobrang nahihirapan akong magsulat ng Tagalog kahit na halos 1/3 ng aking buhay Tagalog ang wika na aking ginamit. Kinailangan ko pang magbukas ng dictionaryo para lang makatulong sa aking pagsusulat…AT alam ko na sa aking huling talata sigurado ako na dudugo na talaga ang ilong ko. Kaya patawarin nyo lang ako at ito na siguro ang pinakauna ang pinakahuling sanaysay ko sa Pilipino dahil sobrang hirap talaga.
Subali’t hindi. Hindi ako papayag na ako ay matawag na may gawing kano. Ayoko…Ayoko! Alam ko higit kwarentang taon sila dito pero…ako ay Pilipino, ang dugo’y maharlika. Likas sa aking puso, adhikaing kay ganda… ;P Pero di nga, sinasabi ko ngayon na kahit anong mangyari hinding-hindi ko bibitawan ang aking kulturang napagsanayan…yung kulturang pinoy. Gagamit pa rin ako ng kutsara’t tinidor pagkumakain at hindi tinidor’t kutsilyo. Hahanap at hahanap parin ako ng bigas na aking maisasaing kasama ng piniritong isda, adobo, afritada, o kung anumang maisip kong lutuin dahil alam kong hinding-hindi ko makakasanayan ang kumain ng sabaw lang at mahabang pandesal na may palaman na karneng hilaw at keso. Sa aking pinanggalingan yan ay hamak lang na merienda at hindi panghapunan. Ako ay patuloy na tatawa ng malakas pag mayroong nakakatuwa kasi ganyan ako at ganyan dapat ang mabuhay.
Ikanga sa isang palathala: “Magpakatotoo ka.”
Wala na siguro akong magagawa sa aking pananalita o sa aking mga pinagdaanan. Sa ngayon, ang alam ko lang, na kahit na anong mangyari, kahit na ano pang sabihin ng ibang tao tungkol sa aking bansa at mga kababayan, mahal ko pa rin ang aking bansa…at hindi ko makakalimutan ang aking pinanggalingan.
Whew! Aalam kong mukhang walang sense yung mga pinagsusulat ko kaya patawad. Ang puso naman ang masmahalaga, di ba? :
No comments:
Post a Comment